Aling Langit ang Langit?

Posted: September 2, 2010 in Short Story-Filipino

Habang inilalagak ang kabaong sa hukay, di pa rin maiwaglit sa aking balintataw ang nagyari. Hawak ang isang kapirasong papel, hinayaan kong maglakbay ang isipan.

Bang! . . . Umalingawngaw ang putok ng baril. Nagulantang ako; nagbalik sa kamalayan. Naramdaman ko ang pagtagas ng dugo sa aking dibdib. Natagpuan ko ang sarili sa tagong silid na tambayan naming magbabarkada. Ibig kong mahandusay ngunit pinli kong magtapang-tapangan at pinanatili ang tuwid na tindig. Humakbang ako nang pasulong. . . Isa pang tama ng baril ang tumama sa aking dibdib. Doon ko na narinig ang hiyaw ni Inay. Hanggang sa ito’y maging hagulhol at nakakahabag na hikbi.

Nagdilim ang aking paningin. Umikot ang aking pakiramdam. Unti-unting bumilis ang tibok ng aking puso maging ang pihit ng aking hininga. Para akong tumakbo. Hinabol ko ang bawat hanging lalanghapin. Ilang saglit pa’y dahan-dahang naubos ang aking lakas. Bumigay rin ako sa huli. Kasabay ng pagbigat ng talukap ng aking mga mata ang aking pagbagsak mula sa aking kinatatayuan. Naramdaman ko ang pagtama ng aking katawan sa sahig na semento.

Nakapikit ang aking mga mata. Tumatagos sa aking pandinig ang malakas na tawanan ng aking mga barkada. Tawanang hihigit pa sa nakakabinging halakhakan. . . Katahimikan. Sa init ng ulo nauwi ang walang saysay na katuwaan. Sapakan. Basagan ng bungo. Tawanan na naman. Walang humpay na hagikhikan. Napa-iyak ang iba. Ang iba nama’y naglulupasay sa di malamang dahilan. Tunay ngang walang kabuluhan.

Di ako tulad nila. . . sa iisang kadahilanan. Mayroon akong hinahanap. May ibig akong matagpuan. Nais kong marating ang langit. Langit na di ko mahagilap sa aking sarili. Langit na di ko makita’t maramdaman sa aking pamilya. Langit na ipinagkait sa akin ng tadhana.

Habang animo’y sinapian ng kung anong kampon ng kadiliman ang aking mga barkada, heto ako’t tumakbong palayo. Hningal ma’y di ako sumuko. Napatigil ako nang makita nag sarili sa gitna ng isang malawak na lansangan. Nakakalula sa taas ang maga gusali. Marami roong ilaw at sasakyan. Mula sa kawalan, isang impit natawa ang bumati sa akin.

Isang tinig ang aking narinig. “Sa iyo ang lahat ng iyong nakikita ngayon,” ang sambit ng tinig. Napanganga ako. Hindi makapaniwala. “Pagmamay-ari mo ang lahat ng kayang abutin ng iyong paningin,” muli niyang sabi. Bagama’t di ko maramdaman, alam ko masaya ako. Napahalakhak ako; halakhak ng tagumpay.

“Mayaman na ako! Mayaman na ako!” ang aking naisambulat sa kawalan. Tumakbo ako’t nagsisigaw sa tuwa. Tila batang inabutan ng bagong laruan. Dinala ako ng aking mga paa sa isang madilim na panulukang puno ng mga di magkamayaw na kabataang tulad ko. Sa saliw ng musikang di maunawaan kung ingay ba o bulyaw, nabubuhay ang walang kapaguran nilang katawan. Nagkalat ang mga bote ng alak. Malalanghap mo sa paligid ang nakakalasong usok ng sigarilyo na kanilang ibinubuga. Masarap sa pakiramdam ang tanawing iyon. Masaya ako. Alam ko iyon bagama’t di ko nararamdaman. Kaya naman hinayaan kong maging isa sa kanila. Sabay-sabay naming inabot ang rurok ng langit. . . Napatigil bigla ang lahat. . .

“Nasaan ako?” tanong ko sa sarili. Iginala ko nag aking paningin. Isang silid ang aking kinaroroonan. Nakahiga ako sa ibabaw ng isang malambot na kama . Ngmasid ako; nagmatyag.Ilang saglit pa’y pumasok ang isang nakaka-akit na babae. Bumangon ako. Itinuon ko ang mga mata sa kanya. Agad akong nabighani sa kanyang mapanuksong mga titig. Hindi ko napigilang maramdaman ang maaaring madama ng sinumang lalaki sa pagkakataong iyon. Nilapitan ko siya; pinakiramdaman. Tinitigan at dinamadama mula ulo haggang paa. Isang baga ang namuo. Hanggang sa ito’y maging apoy na nagliliyab. Tinangay kami n gaming nagliligablag na emosyon sa kakaibang uri ng langit. Alam kong masaya ako ngunit di ko parin ito maramdaman.

Naguluhan na ako kung bakit. Ninais kong mapaluha subalit tigang na ang aking damdamin. Di ko maunawaan ang aking pakiramdam- galit, lungkot, pait, kabiguan. Pinili kong tumakas. Tinungo ko ang di matukoy na paroroonan. Hanggang sa marating ko ang isang malawak na disyerto. Napahagulhol ako. Mayroon pa pala akong natitirang luha. Sa may di kalayuan isang lalaki ang nakatanaw sa akin.

“Ito rin ba ay langit?” ang bulyaw ko sa kanya. “Langit na mapanlinlang.” pabulong kong sambit. Tinitigan lamang niya ako. Mistula itong estatwang walang pakiramdam. Biglang naghimagsik ang aking kalooban. Hindi ko mapigilang magapi ng ng nakikidigma kong damdamin. Nagwala ako. Winasak ko ang dati ng wasak kong daigdig.

Hanggang sa nakadama ako ng pagod. Natigilan ako. Hhindi pari naibsan ang bigat na aking naramdaman. Lumubha pa itong lalo. Ikinabigla ko tuloy nang mapunang ako ang lalaking nasa aking harapan. Namamalik-mata nga lang ba ako? Lumapit ako sa kanya. Natigalgal ako nang tutukan niya ako ng baril.

“Sumuko ka na kung ayaw mong masaktan,” matapng niyang utos. “Itaas mo ang iyong mga kamay at walang mangyayari sa iyong masama,” muli nitong sabi.

Hindi ko siya pinakinggan. Humakbang akong palapit sa kanya. Wala akong naririnig kundi ang aking mga yabag at ang bawat hugot ng kanyang hininga. Hanggang sa. . .

Bang! . . . Umalingawngaw ang putok ng baril. . .

Mula sa pagkakapikit, idinilat ko ang aking mga mata. Nagbalik ako sa aking ulirat. Nakhiga sa sahig. May tama ng baril. Duguan. Nag-aagaw-buhay. Mraming tao sa paligid. Naroon ang Inay na abot-langit ang dinadalang pasakit. Isa-isa nang hinuhuli an gang aking mga barkadang bangag sa druga. Heto ako, isang talunan, bigo.

Ngayon ko naunawaang ako ang sumira sa aking sarili. Masakit mang isipin ngunit isa lamang ako sa mga biktima ng kabaluktutan ng lipunan na di na halos mapuna dahil ang lahat ay nakatuon na lang parati sa mga problemang bunsod ng katiwalian sa pamahalaan.
Nagkamali ako. Hindi ako naging masaya. Hindi ko ito nadama. Kailanma’y di ko naabot ang langit sa pamamagitan ng pagsinghot sa hininga ng diyablo. Ilang tulad ko pa kaya ang mapapariwara at hahayaan ng lipunang maging alipin ng bawal nagamot. Anong langit nga kaya ang nakalaan sa akin?

Matapos kong mabasa ang pinunit na pahinang iyon mula sa talaarawan ng aking matalik na kababata, isa lamang ang sumagi sa aking isipan, nagsisisi ako’t wala man lang akong nagawa upang siya’y maialis sa kinasad lakang kapalauan. Ano nga kayang langit ang sa kanya’y nakalaan?

langit

Ano nga kayang langit ang nakalaan sa akin?

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s