Magdalena si Adan

Posted: November 26, 2009 in Literary- Filipino

Isang dangkal na lang at maabot na ng mga kamay ng orasan ang pag-aalas-singko ng hapon. Mataas pa ang araw. Narito ako. Nakaharap sa salamin. Nakatitig sa sarili. Makisig. Malakas. Matipuno.

Anumang pilit kong pagwawaksi sa isipan, animo’y gamu-gamo pa ring sumusundut-sundot sa liwanag ng aking balintataw ang nakalipas. Isang kahapong

ibaon ko man sa limot ay paulit-ulit na nananahanan sa aking alaala.

Anak ako ng karalitaan. Isang kahig, isang tuka. Ulila. Namatay ang aking mga magulang nang ako’y walong taong gulang pa lamang. Lumaki ako sa piling ng aking lola at nakababatang kapatid. Naging mahirap ang aming buhay. Nangangalam na sikmura. Mga pangangailangang di natutugunan. Tila pinagkaluno kami ng kapalaran. Wala akong magawa kundi ang sabayan ang agos ng panahon at harapin ang mga hamon ng buhay.

Ako ang tumatayong padre de familia. Dahil dito, marami akong responsibilidad. Matanda na ang lola. Di na nito kaya ang mag-hanapbuhay. Kinakailangang gugulin na lamang niya ang kanyang natitirang sandali sa daigdig nang matiwasay at walang suliranin. Marami akong pangarap para sa kanya at sa aking kapatid. Gusto kong mabigyan sila ng magandang buhay. Kaya naman, gusto kong makatapos kami ng aking kapatid sa pag-aaral. Ayaw kong habambuhay na lang kami sa ganitong kalagayan. Hindi ko hahayaan. Hindi maari.Hindi dapat.

Nagpatuloy ko sa paglalakbay sa aking kahapon. Hanggang sa matagpuan ko ang aking sarili na suot ay kapirasong saplot. Sa gitna ng nakabibinging hiyawan, umiindayog sa musika ng kalaswaan. Oo. Pinasok ko ang gawaing sariling laman ang puhunan, ang pagbebenta ng panandaliang aliw. Pinagkakitaan ko ang aking pagka-lalaki. Sa kagustuhang makatapos ng pag-aaral, ginawa ko ang lahat. Naging mapangahas. Padalus-dalos. Sinuong ang lahat ng butas; maging ang butas na naglalagos sa kadiliman. Ito lamang ang nakikita kong paraan upang hindi manatili sa panaginip ang aming mga pangarap.

Kung sinu-sino ang nagpakasasa sa mura kong katawan kapalit ang halagang barya lang kung tutuusin. Binaboy nila ako. Ginamit. Pinaglaruan. . . Buntong-hininga. Ano ang pinagkaiba ko sa isang kalapating mababa ang lipad? Sa isang pukpok? Sa isang haliparot? Nakakatawa. Ano ang tawag sa akin?

Gayunman, ginusto ko ito. Desisyon ko ang lahat. Walang dapat na sisihin kundi ang aking sarili. Ang sarili ko nga lang ba ang dapat na sisihin?

Biglang dumaloy ang natitirang patak ng luha mula sa natitigang kong damdamin. Nakaramdam ako ng kirot sa ang aking dibdib. Animo’y naririnig ko ang pag-uyam ng madla. Ano ang karapatan nilang ako ay husgahan? Wala. Wala silang alam sa aming naging buhay. Narinig ba nila ako nang ako ay nagsusumamo ng tulong? Nagmamakaawa? Hindi. Dahil sila ay makasarili, sakim gahaman.

Nakapagtapos ako ng pag-aaral. Nabigyan ko ng magandang buhay ang aking kapatid. Maayos naming naihatid ang lola sa kanyang huling hantungan. Ang lahat ng ito ay bunga ng marumi kong hanapbuhay, ng marawal kong nakaraan. Sa kabila nito, hindi ko mapasisinungalingan ang katotohanang hindi tuwid ang baluktot, hindi pantay ang tabingi, hindi itim ang puti, lalong di tama ang mali .

Nagbalik ako sa aking ulirat. Nalagpasan na ng mga kamay ng orasan ang pag-aalas- singko ng hapon. Palubog na ang araw. Narito pa rin ako. Nakaharap sa salamin. Di magawang titigan ang sarili. Lugmok. Naghihingalo. Wasak .


Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out /  Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out /  Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out /  Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out /  Change )

Connecting to %s